Friday, December 31, 2004

I Know Christmas is Over, But....

With a few hours left before we usher in the New Year, let me share with you some of my thoughts regarding the recent Christmas season (it ain't over here in the Philippines, where the Yuletide fever begins on November 3 and fizzles out on February 13).

I've decided to write this personal essay in my native tongue, Tagalog, because the topic is about a uniquely-Filipino Christmas tradition
(finally, my first Tagalog post). If you can't understand Tagalog but suddenly has a pressing need to know what's the essay all about, then drop me a comment and I'll translate it in my free time (yeah, I wish).

Happy New Year, people!


Ang Kulang sa Pasko Ko
P.Y. Kimpo

Hindi ko ramdam ang kumpletong diwa ng Pasko.

Ilang tao na kaya ang nagsabi ng ganito? Libo-libo? Milyon-milyon? Marahil narinig mo na ito mula sa ‘yong mga kaibigan. Mga kaanak na baon sa problema. Mga tambay sa kanto na pulos toma ang inaatupag. Mga manunulat na madrama (gaya ko). At kung alam ko lang, baka ganito din ang nararamdaman mo. Siguro'y sawa ka na sa mga taong nagrereklamo kung bakit hindi sila madapuan ng sayang hatid ng Disyembre. Siguro'y iniisip mo ngayon kung bakit nakukuha ko pang magsulat tungkol sa isang paksang gamit, laos, cliché.

Pero ano bang magagawa ko? Kasalanan ko ba na ako'y makulangan sa nagdaang Pasko? Alam ko, ang diwa ng Pasko ay ang pagsilang sa ating Panginoong Hesukristo. Hindi naglaho ang saysay ng Pasko para sa akin; may kulang lang. Kulang — hindi dahil sa...

1) mabibilang ng mga daliri sa kamay ang mga regalo kong natanggap

2) nakaligtaan naming magtayo ng Christmas Tree at magsabit ng mga palamuti

3) hindi ako nakadalo sa Midnight Mass o kahit isa man lang Misa de Gallo

4) hindi kami nakapunta ni bespren sa peryahang Paskong Pasiklab dito sa QC

5) masiklab na pagtatalo ng aking mga tito na sumira sa aking Noche Buena

6) mga alaala ng UP Lantern Parade 2003, na hindi napantayan ng parada ng 2004

7) nagkaroon ako ng lagnat at sakit-tiyan mula Disyembre 23 hanggang 26 (ngayong araw).

Hindi ako dismayado dahil sa mga rasong ito. May napansin lang akong nawala sa nakaraang linggo.

Nawala ang ingay sa labas ng aming bahay, ang ingay na bumabaha sa Kalye Cordillera tuwing mga gabi ng Disyembre, ang ingay na kinaiinisan ng ilan at kinatutuwa ng marami. Para sa akin, ang ingay na ito ay ang boses ng diwa ng Pasko.

Ito ang boses na bumibigkas ng mga pag-asa sa buhay, bata man o matanda. Ito ang boses na nagdarasal sa langit, humihingi ng tulong sa sanggol na Tagapagtanggol; ang panalanging ito'y ikinukubli sa masasayang awit tulad ng Joy to the World at Pasko na Naman.

Tahimik sa labas. Iilan na lang kasi ang nag-karoling sa amin ngayong Pasko.

Hindi ko alam kung ganito ang naging siste sa lugar ninyo. Pero nang magtanong ako sa aking bespren, pareho kami ng natumbok — talagang naging Silent Night ang bawat gabi papalapit ng Kapaskuhan, at ito'y para na rin sa ikalulungkot ng pagdiriwang.

Pagdiriwang. ‘Yon ang magic word. Anong klaseng pagdiriwang meron tayo kung walang mga batang umiikot sa baranggay at kumakanta sa kanilang maliliit at matitinis na boses? Masayang pagdiriwang ba kapag wala ang mga bagets na pilit kumakanta ng Jingle Bells kahit sintunado? Kapag hindi rumoronda ang kayganda't kaygaling na all-girls choir ng inyong parokya para magbigay ningning sa gabi? Kapag wala ang mga harana ng "Tenk yu, tenk yu, ang babarat ninyo, tenk yu"?

Naaalala ko pa, may sandaling panahon sa buhay ko na ako'y nagkaroon ng oras at tapang para mag-karoling. Oras, dahil iyan ang nauubos sa atin kapag tumatanda. Tapang, dahil hindi ko lubos maisip ngayon kung paano namin nakuhang magkakabarkada na magbahay-bahay nang alas-diyes ng gabi at tumahak ng isang dosenang kalye. Mga pito hanggang trese anyos lang kami noon. May mahirap, karamihan middle-class, pero walang mayaman sa amin.

Mga alas siyete ng gabi, tutulak na kami sa aming munting abentura, kaming limang bubwit. Balot kami ng mga jacket, dahil kapag pumatak na bandang alas-nuebe, giginawin na kami. Kumpleto din kami sa gamit — nariyan ang maliit na lata ng ice cream (siyempre wala nang laman) para paglagyan ng salaping maiipon. May bitbit din kaming maraca bilang pangalawang instrumento (ang pangunahin ay ang latang-alkansya, na kapag may lamang barya ay siya namang nakatutuwang ugain). At hindi nawawala ang aming ‘kuwintas ng Coke’ — mga pinitpit na tansan ng softdrink, binutasan sa gitna at nakasabit sa isang piraso ng alambre. Ito ang karagdagan naming ‘sounds’, o ‘props’ kung ‘yon ang mas gusto mong tawag.

Kung nitong nakaraang linggo, marami na para sa isang gabi ang limang grupo na makapag-karoling sa isang bahay, dati’y napakababa ng bilang na ito. Marami kaming karibal sa paghingi ng pamasko noon. Sa kahit anong sandali, meron kaming kaagaw sa isang linya ng mga bahay. Pinuputakti ang aming barangay ng mga nangangaroling!

Kanya-kanyang gimik, ke bata o teen-ager o matanda. ‘Yong ibang grupo, may nag-se-second voice. Meron ding nagko-costume ng Rudolph the Red-Nosed Reindeer (ayaw mong maniwala?). Kami, umasa na lang sa pagiging gwapo at mukhang inosente (umasa, sabi ko). Ang pinaka-kinakatakutan nga naming makasabay noon ay isang grupo ng mga magagandang dalaga. Kapag naunahan kami ng mga ‘yon sa isang bahay, wala nang aginaldong maibibigay sa amin ang mga nakatira. Nahalina na kasi sila sa mga naunang dilag.

Iniisip ko, bakit umonti ang bilang ng mga nagka-karoling ngayon? Dahil ba sa hirap ng buhay, at pagliit ng mga bulsa ng mga tao? May katwiran ang pag-iisip na ito — kung wala nang magbibigay ng pamasko, wala nang mamamasko, ganoon kasimple. Ang mga dating nagbibigay ng papel de bangko, ngayon barya na lamang ang handog. Ang dating kinakantahan namin ng ‘Ang babarat ninyo, tenk yu!’ ang kakanta pa sa ‘yo ngayon ng ‘Patawad!’

Sa katunayan, wala akong narinig na umawit ng ‘Ang babarat ninyo’ nitong Disyembre. Bakit? Swerte na nga sila kung mapamaskuhan ng onti e. Napansin ko rin na ang mga bata ngayon ay hindi na nagdadala ng lata (katulad ng bitbit namin noon). Sa bulsa na lamang isinisiksik ang koleksyon nila. Lahat, kasya na doon.

Dati, wala kaming problema sa pamamasko. Kaya nga naimbento ang awit para sa mga barat magbigay. Madali naming napupuno ang lata. Binabalik-balikan pa nga namin ang mga bahay ng mga sarili naming pamilya! (Bata pa lang kami noon.) Limang araw bago mag-Pasko — Joy to the World ang aming inawit sa tapat ng apartment unit na tinitirhan ko, kapalit ay si Mabini. Tatlong araw — Jingle Bells para sa dalawang Quezon. Isang araw (bispiras ng Pasko) — Pasko na Naman, Roxas naman. Jackpot!

Dati ‘yon. Masaklap ngayon.

Pero hindi ko masisisi ang mga tao sa paghihigpit sa kanilang gastusin, sa kanilang pagiging…kuripot. Kahit dito sa aming tahanan, damdam ang kahirapan. Mas simpleng handa sa hapag-kainan, mataas na bunton ng mga credit card bill sa isang sulok, nabubulok na second-hand Lancer sa labas. Ang latang ginamit namin dati sa pangangaroling, nakapatong sa istante, nagsisilbing lalagyan ng perang ibibigay sa mga namamasko. Ilang piraso ng bente-singko sentimos na lamang ang natitira. Madaling naubos ang laman kahit iilan ang humarana sa amin.

Sana, sana lang, umunlad ang buhay. Napaka-orihinal na mithiin, di ba? Pero sino bang ayaw ng masaganang buhay, at ibahagi ang kasaganahang ito sa mga kababayang nakikipagdiwang sa ‘yo ng Pasko? Sino bang gustong maging kill-joy, maging Mr. Scrooge? Sino bang gustong makaramdam ng pagiging kulang ng diwa ng Pasko?

Ako, ayoko. Marahil, ikaw rin—

Teka, ang ingay sa baba. Umaalulong ang mga aso namin sa sala. Bakit kaya?

“Sa may bahay, ang aming bati, Merry Christmas na maluwalhati…”

Ayun. May nangangaroling pala. Tapos na ang Pasko, pero may naglakas-loob pa ring mamasko.

Sumilip muna ako ng sandali mula sa mesanin. Kita kong humahangos ang aming kasambahay mula sa kusina. Patuloy ang pagkanta ng mga bata sa tapat ng munti naming tarangkahan. Patuloy rin ang pagtahol ng mga aso.

“…ang pagibig ang siyang naghari, araw-araw ay magiging Paskong lagi!”

“Patawad!” sigaw ng kasambahay. “Tapos na ang Pasko e,” dagdag pa niya.

Tsk. Sayang ang natitira pang barya sa lata.

[Originally written on December 26, 2004]

3 Comments:

Blogger ia said...

nakuuu... nakakaduling siyang basahin dito...
...nevertheless nakakaaliw pa rin. i'm glad i got to read it in a much-better way. =P

post mo boy angas ha.

12:27 AM  
Blogger Corsarius said...

walang problema...medyo mahaba nga lang din yun e. =p

3:50 PM  
Blogger orasid said...

--->Yuletide fever begins on November 3 and fizzles out on February 13.
True! True!
--->
I've decided to write this personal essay in my native tongue, Tagalog, because the topic is about a uniquely-Filipino Christmas tradition (finally, my first Tagalog post).
It's a right choice. Walang ganyan sa states. =)
--->1) mabibilang ng mga daliri sa kamay ang mga regalo kong natanggap
Hay! Okey lang yan. Ako kaya?
--->2)nakaligtaan naming magtayo ng Christmas Tree at magsabit ng mga palamuti
Ito yung sinasabi kong tinamaan ako nang todo kasi Christmas 2003, di ko siya makakalimutan kasi kaming 5 nag-ayos ng Christmas tree, kauna-unahan at hindi pa nauulit
--->3) hindi ako nakadalo sa Midnight Mass o kahit isa man lang Misa de Gallo
Ako rin, dalawang taon na akong nakakalimot sa Kanya, pero hinihikayat ko ang lahat na gawing panata ito. mY answers have been prayered --->4) hindi kami nakapunta ni bespren sa peryahang Paskong Pasiklab dito sa QC
Eto... reserved na pala yung 'bespren' so hindi na kita pwedeng tawagin.
--->7) nagkaroon ako ng lagnat at sakit-tiyan mula Disyembre 23 hanggang 26 (ngayong araw).
Ayan kasi ang kulit!

7:39 PM  

Post a Comment

<< Home